Ngunit sa pagitan ng mga pangako, talumpati, at diskurso, kailangang magbalik-tanaw sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan upang tukuyin ang tagumpay ng nakaraan, ang hamon ng kasalukuyan, at ang direksyong kailangan nating tahakin sa hinaharap. Mahalaga rin na suriin kung sinu-sino nga ba ang aktibong tumindig at naglingkod para sa ating karapatan at kapakanan.
Sa kasaysayan, naging tampok ang pamumuno ng STAND UP sa ating sama-samang pagkilos upang matagumpay at aktibong ipagtanggol ang iskolar ng bayan at mamamayan sa gitna ng matitinding atake sa kanilang karapatan sa edukasyon at iba pang batayang pangangailangan.
Pinatunayan natin ito nang sinubukang ipatupad ni Pres. Noynoy Aquino ang P1.39 bilyon na kaltas sa budget ng UP at ibayong kaltas sa badyet ng iba pang state colleges and universities (SUCs). Sapagkat batid natin na taglay ng iskolar ng bayan ang lakas upang ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, inilunsad natin ang ilang buwang protesta laban sa budget cut na dumulo sa campus strike noong Nobyembre 2010. Patunay ng lakas ng sama-samang pagkilos ang tagumpay ng dagdag na P110 milyon sa maintenance and other operating expenditures (MOOE) budget ng SUCs at ang tinatayang P226 milyong dagdag sa orihinal na badyet na ipinanukala ng pamahalaan para sa UP.
Batid nating pambansang programa ang unti-unti at patuloy na pagkaltas sa badyet ng edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan. Matagal nang layunin ng pamahalaan na lumikha ng sariling pondo ang UP at iba pang SUCs mula sa pagpapataw ng mas matataas na bayarin sa mga estudyante at pagpapagamit ng lupain nito sa mga pribadong korporasyon.
Kaya naman pinamunuan ng STAND UP ang pagtindig ng mga iskolar ng bayan laban sa pagtaas ng tuition, ang walang-habas na pagpataw at pagtaas ng laboratory fees, at ang paniningil ng di-makatarungang miscellaneous fees. Matapang natin itong tinutulan, sapagkat alam nating nangangahulugan ito ng pagkitid ng pagkakataon ng mga kabataan na makatamasa ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon sa pamantasan. Inilantad din natin ang mga kakulangan sa socialized tuition and financial assistance program (STFAP), na — taliwas sa ipinagmamalaki nito — ay nagsisilbi lamang na panakip-butas upang magtaas ang tuition at matiyak na kikita ang unibersidad mula sa mga estudyante.
Batid din natin na ang paglikha ng kita mula sa lupain ng UP ang nagiging isang mahigpit na batayan ng pamahalaan upang patuloy na kaltasan ang badyet ng unibersidad. Layunin nitong gumana bilang korporasyon ang UP upang bigyang-daan ang ganap na kawalan ng subsidyo mula sa gobyerno sa hinaharap. Kaya naman pinangunahan din ng STAND UP ang pagtutol sa AyalaLand Technohub, ang pagpapaalis ng UP Integrated School (UPIS) sa lupain nito upang ipagamit muli sa AyalaLand, at iba pang polisiyang nagbibigay-daan sa patuloy na pagkaltas ng badyet sa UP at SUCs.
Sa pangangailangan mawala ang sagka sa pagpapatupad ng komersyalisasyon at tuluyang tipirin ang mga serbisyong pang-mag-aaral, nililimitahan ng administrasyon ang mga demokratikong karapatan ng mga estudyante; sa kabila nito, tuloy-tuloy ang pagtindig ng STAND-UP laban sa represyon at panunupil.
Sa sama-samang pagkilos, matagumpay nating tinutulan ang pagpapatupad ng Code of Student Conduct. Matagumpay ding ipinagtanggol ang Office of the Student Regent (OSR) at tiniyak ang representasyon ng mga estudyante sa iba’t ibang antas ng pamamahala sa UP. Mulat sa matitinding isyu na ating kinakaharap, isinulong natin ang UP Agenda upang tiyakin na mabibigyang-pansin ang mga suliranin ng mga estudyante at iba pang sektor sa pagpapalit ng UP President.
Hindi maipagkakaila ang kasaysayan ng pamumuno ng STAND UP sa iba’t ibang isyu sa loob at labas ng pamantasan. Subalit nananatili ngayon ang pangangailangan na ipagpatuloy ang ating pakikipaglaban.
Sa panunungkulan ng bagong administrasyon ni Pres. Aquino, hindi nagbago ang patakaran ng pag-abandona sa UP at iba pang SUCs. Malinaw na wala rin itong intensyon na kontrolin ang pagtaas ng tuition sa mga pribadong paaralan. Hindi rin nito winawakasan ang patuloy na pagsasamantala sa iba pang sektor ng mamamayan.
Patunay dito ang pag-iibayo pa ng kaniyang administrasyon ng mga patakarang nagpapahirap sa mamamayan. Ipinagmamalaki nito ang public-private-partnerships (PPP) na siyang nagdudulot ngayon ng pagtaas ng pamasahe sa MRT, LRT, at toll sa SLEX, NLEX at SCTEX. Hindi rin inaampatan ang malawakang demolisyon at pagtanggal ng kabuhayan sa mga maralitang taga-lunsod. Nananatili ang kawalan ng sariling lupa ng kalakhan ng mga magsasaka at ang mababang pasahod sa mga mangagagawa. Patuloy ang pagtaas ng bilang ng biktima ng extra-judicial killings, enforced disappearances at iba pang porma ng paglabag sa karapatang pantao.
Malinaw na patuloy na nanganganib ang ating karapatan at edukasyon, kasabay ng pagsidhi ng pangkabuuang krisis ng lipunan. Kaya naman lalong tumitingkad ang hamon sa iskolar ng bayan na isanib ang ating buong lakas sa higit na lakas ng malawak na bilang ng mamamayan upang likhain ang isang makabayang pagbabago.
Sa ngayon, walang humpay nating dapat ipagtanggol ang UP bilang pampublikong pamantasan ng bayan. Ipagpapatuloy natin ang pagsusulong ng ating mga demokratikong karapatan at kagalingan. Kailangan nating isulong ang isang makamasa, siyentipiko, at makabayang edukasyon.
Hindi dapat palampasin ang panahon, ang pagkakataon, na maging bahagi ng proseso upang baguhin ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan.
Tumitingkad ang pangangailangan upang ihalal ang konseho ng mag-aaral na siyang pursigido at buong panahong kikilos para sa kapakanan natin at ng buong sambayanan. Kailangan natin ng mga pinunong naniniwala sa lakas ng sama-samang pagkilos upang ipaglaban ang karapatan at kapakanan, hindi lamang ng kapwa iskolar ng bayan, kundi maging ng buong sambayanan.
Ngayong Pebrero, patuloy ang tunggalian, patuloy ang paglala ng krisis ng lipunan. Tungkulin nating makalahok sa kilusan upang wakasan ang mga kundisyon na ito. Tiyakin natin, sa pamamagitan ng pagpili ng mga militante, kritikal at prinsipyadong lider-estudyante, na handa tayong harapin ang mga hamon ng bagong taon. Ang daluyong ng ating pagtindig at sama-samang pagkilos ang magpapatunay na, sa huli: atin ang lakas, atin ang bukas.
No comments:
Post a Comment